Qatar Guest ( I Love Islam) Pilipino Muslim Brotherhood

Papaano ako naging matibay na Muslim?
Ni: Bro. Satar Asnal Assalamu alaikum warahmatullahi taala wa barakatuh Ako ay lahing Yakan, tiga Brgy. Danepoh, Albarka Municipality, Basilan. Isang lugar na masasabi kong puro gulo ang nangyayari dahil sa walang tigil na pag-atake ng mga military. Ako ay nangarap mag-abroad dahil sa ganung pangyayari pumunta ako sa Maynila at nag-apply sa agecy. Sa tulong ng Allah (swt) ako ay natanggap, sa loob ng dalawang buwan ako ay kaagad na nakaalis papuntang Saudi Arabia. Noong nasa Saudi ako may mga daiya rin doon sa companya na pinagtrabahuan ko at marami rin nag-embrace doon. Isa na doon ang kaibigan kong Ilocano at tuwing nagsasalah kami tinuturuan ko siya nang wudoo. Kaya lang hindi ako nakakasama sa kanilang pag-aaral dahil ako ay nagpapartime sa labas, hanggang natapos ko ang aking kontrata at nakauwi sa Pinas. Pagdating sa Pinas nag-apply kaagad ako sa internet, alhumdulillah, natanggap na naman ako ulit, sa loob ng isang buwan nakapunta ako sa Qatar. Pagdating ko sa Qatar tatlong buwang akong hindi nagsalah, una dahil nanghihina at pangalawa dahil narin sa mga kasama ko na puro nag-iinuman, malakas ang sounds, magdamag di ito pinapatay kaya hindi ako nakakatulog ng maayos. Di ko naisasagawa ang salah dahil nahihiya akong makita nilang nagtututuwad at iyon ang nasa isip ko. Hanggang isang araw niyaya ko ang isa kong kaibigan na magmiryenda sa tindahan. Habang kami ay kumakain may isang balik islam na dumaan na kakilala ng aking kaibigan. Agad niya itong tinawag at pinakilala niya ako sa kanya. Sabi niya; "bro ka brod mo Abu Sayyaf taga Mindanao", nagtawanan kami at doon ay nakipagkamay ako. Habang kami ay nagkakamayan sabi ng balik Islam sa akin “halika nandoon ang kasama ko taga Mindanao din”. Kaya’t kami ay pumunta doon sa kabila at nagkakilala. Sinabihan niya ako na magbihis at mag-aatend kami sa isang pag-aaral sa St. 41 ng Industrial Area, at doon ko nakilala ang ibang mga kapatid na nag-aaral. Sinabi ko kay bro "magaling yun ah" at kanilang sinabi na ang nagtuturo ay Balik Islam. Simula noon ay tuloy-tuloy na ang pag-aaral ko kahit mag-isa lang akong sinusundo sa aming accommodation. Simula noon nag-iimbita narin ako at sumama ang dalawa kong kasama sa trabaho. Lagi ko silang inaanyayahang dumalo sa pag-aaral lalu na sa buwan ng Ramadan at hindi nagtagal ay yumakap sila sa Islam. Dahil sa nagandahan sila sa Islam nag-imbita sila hanggang nag-imbita narin ang mga inimbita nila. Ngayon alhumdulillah kung date nag-iisa lang ako ngayon tuwing biyernes isang sasakyan na kaming galing sa aming kompanya na nag-aaral sa Islam. Alhumdulillah nagpapasalamat ako sa Allah(swt) dahil hindi niya ako pinabayaan sa hina ng aking pananampalataya. Dati nahihiya akong magsalah sa publikong lugar na kung minsan naabutan ng salah sa trabaho, walang masjid, kaya’t nahihiya ako, iniisip ko baka pagtawanan ako ng mga kasamahan ko na puro Christian, Hindu, at Budist dahil iba’t-ibang lahi ang kasama ko sa trabaho. Ngayon bunga ng pag-aaral at gabay ng Allah(swt) wala na akong pakialam sa kanilang sasabihin dahil proud na ako kahit nandiyan sila sa paligid ay nagsasalah parin ako. Alhumdulillah sila pa ang magpapaalala ngayon sa akin tuwing oras na ng salah. Hanggang dito na lamang... assalamu alaikum warahmatullah.